22-teams kumpleto na

LeBron James, Anthony Davis at Joel Embiid

Orlando unang nag-practice

MANILA, Philippines — Kumpleto na ang 22-teams sa Disney Complex para sa NBA season restart sa pagdating ng huling walong koponan ngunit hindi nasilayan sina Houston Rockets star guards James Harden at Russell Westbrook.

Ayon sa ulat ng ESPN,  susunod na lamang ang dalawa na bibiyahe ng kanilang sarili bagama’t walang sinabing opisyal na dahilan kung bakit sila naiwan ngunit inaasahang darating sila sa mga susunod na araw tulad ng iba pang hindi nakasabay sa team gaya nina Nikola Jokic ng Denver Nuggets na naipit sa Serbia dahil sa mga requirement sa covid testing at Kawhi Leo-nard ng LA Clippers na may importanteng aasikasuhin sa kanyang pamilya.

Bukod sa Houston, pumasok na rin sa Disney ‘bubble ang LA Lakers sa pangunguna nina LeBron James at Anthony Davis gayundin ang Indiana Pacers, Milwaukee Bucks Philadelphia 76ers, Portland Trail Blazers, San Antonio Spurs at Toronto Raptor bilang huling batch ng teams na dumating.

Naunang pumasok sa ESPN Wide World of Sports resort  ang Orlando Magic, Utah Jazz, Denver Nuggets, Washington Wizards, Phoenix Suns at Brooklyn Nets noong Martes at sila rin ang unang sumalang sa practice nitong Huwebes.

Sumunod ang grupo ng LA Clippers, Dallas Mavericks, New Orleans Pelicans, Memphis Grizzlies, Sacramento Kings, Boston Celtics, Miami Heat at Oklahoma City Thunders nitong Miyerkules.

Pinakaunang team na sumalang sa practice ang Magic na unang team na dumating sa Disney.

Pumukaw ng pansin ang pagdating ng Toronto  sakay ng itim na bus na may  Raptors’ logo at may napakalaking mensahe na ‘’Black Lives Matter’’ sa tagiliran bilang pagpapakita ng kanilang pakikiisa sa laban sa racial discrimination.

Agaw pansin naman si Joel Embiid ng Philadelphia,  hayag ang pagtutol sa ideya ng NBA season restart, na naka-Hazmat suit habang ang lahat ay naka-face mask lang na dumating bilang pag-iingat laban sa coronavirus.

Magsisimula ang scrimmages sa July 22 bago ang pormal na pagsisimula ng season reboot sa July 30.

Show comments