Lakers sumikwat ng playoff ticket

Dinakdakan ni LeBron James ng Lakers si center Robin Lopez ng Bucks.

LOS ANGELES — Na­una nang iginiit ni Le­Bron James na hindi niya iniisip ang manalo ng NBA MVP award.

Alam ng karamihan na matindi niyang ka­agaw si Giannis Anteto­kounmpo ng Milwaukee Bucks.

Ngunit sa pagdayo ng Bucks sa Staples Center ay sinapawan ni James ang reigning MVP.

Kumolekta si James ng 37 points, 8 rebounds at 7 assists para pamunuan ang Los Angeles sa 113-103 pagdaig sa Milwaukee sa banggaan ng NBA conference leaders.

“We know who we are, and this is great competition,” wika ni James. “To have the opportunity to compete at a high le­vel, that’s fun and exci­ting. But we know what we’re capable of.”

Ito ang ika-10 panalo ng Lakers sa huli nilang 11 games.

Dahil dito ay nakamit ng Lakers ang una nilang playoff spot sapul noong 2013.

Tumapos naman si An­te­tokounmpo na may 32 points at 12 rebounds pa­ra sa Bucks.

Sa Dallas, nagposte si Kristaps Porzingis ng 26 points at 11 rebounds at may 21 markers si Luka Don­cic para akayin ang Mavericks sa 121-96 pa­nalo kontra sa Memphis Grizzlies.

Ito ang pang-limang su­­­nod na laro na nagtala si Porzingis ng higit sa 20 points at 10 rebounds.

Sa Boston, tumipa si Mike Conley ng anim na tri­ples at tumapos na may 25 points, habang nagdagdag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 17 markers pa­ra sa 99-94 paggupo ng Utah Jazz sa Celtics.

Sa Phoenix, humataw si Aron Baynes ng career-high 37 points tampok ang career-high na siyam na 3-pointers at may 24 mar­kers si Dario Saric pa­­ra sa 127-117 pagdaig ng Suns sa Portland Trail Bla­zers.

Nagdagdag si guard De­vin Booker ng 23 points para sa Phoenix.

Sa New York, tinalo ng Oklahoma City Thunder ang New York Knicks, 126-103.

Nagtala si Danilo Gallinari ng 22 points para sa Thunder.

Sa Chicago, pinatumba ng Indiana Pacers ang Bulls, 108-102.

Kumabig si forward Do­mantas Sabonis ng 24 points at 12 rebounds.

Show comments