Petron ihahataw ang ikalawang panalo kontra sa Chery Tiggo

MANILA, Philippines — Pakay ng Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Car­go Movers na maibulsa ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa kanila-kanilang katunggali sa 2020 Philippine Su­perliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.

Babanggain ng nagde­depensang Petron ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-5 ng hapon at susundan ng tapatan ng Cargo Movers at Cignal HD Spikers sa alas-7 ng gabi.

Bubuksan ng Marine­rang Pilipina at Sta. Lucia ang hostilidad sa laban ni­la sa alas-3 ng hapon.

Kapwa ipinamalas ng dalawang top team sa li­ga ang kanilang angas at ga­ling nang magawang patahimikin ang una nilang ka­laban.

Dumaan man sa mala­king pagbabago ang ka­nilang hanay ay pinatuna­yan pa rin ng Petron na isa sila sa dapat bantayan sa liga nang pahiyain ang mga kritiko matapos dagitin ang unang panalo sa bisa ng three-straight sets win kontra sa Generika-Ayala, 25-22, 25-22, 25-21

Muling sasandal ang Petron kay American skip­per Khat Bell katuwang ang mga local wing spikers na si Ces Molina at Aiza Maizo-Pontillas ka­sama sina Rem Palma, Becca Rivera, Lut Ma­laluan at Angelica Nunag.

Sa panig naman ng F2 Logistics, magara rin ang naging panimulang ba­nat ng tropa matapos lunurin ang PLDT Home Fibr Hitters ni multi-titled mentor Roger Gorayeb, 25-21, 25-13, 25-15.

Kumapit ang last season runner-up sa kanilang dynamic duo na sina Lindsay Stalzer at Kalei Mau, na bumomba ng double-digit finish para ban­­derahan ang tropa sa unang tagumpay.

Aasahan muli ng Cargo Movers ang dalawang hitters kasama ang local core na sina Aby Maraño, Majoy Baron, Kim Dy, Ara Galang, Kim Fajardo at Dawn Macandili.

 

 

Show comments