Kai Sotto binuhat ang Skills factory sa King Invt’l title

Kai Sotto

MANILA, Philippines — Isa na namang halimaw na performance ang ipinamalas ni Filipino teen tower sensation Kai Sotto nang gaba-yan niya ang The Skills Factory National sa championship sweep ng King Invitational sa Atlanta, Georgia kamalawa.

Humakot ng pambihirang averages na 27 puntos, 10. 6 rebounds, 3.0 assists at 4.3 blocks ang 7-foot-2 giant na si Sotto upang sikwatin  ang MVP plum.

Ito ang una niyang top honor sa United States simula nang umalis sa bansa noong nakaraang taon upang sumugal sa pangarap niyang maging kauna-unahang Pinoy homegrown player sa NBA.

Tinapos ni Sotto ang kanyang kampanya sa TSF sa paglista ng 27 markers, 10 rebounds at anim na tapal sa 112-102 champioship-clinching win kontra sa Believe Prep ng South Carolina.

Bago ito, nagpasiklab din siya sa mga inirehistrong 22 puntos, 11 rebounds, 5 assists at apat na tapal kontra sa Middle George Prop at 34 puntos, 11 rebounds, apat na assists at 6 na tapal kontra sa Strength in Motion ng Texas.

Bahagi ang naturang torneo ng pi-naigting na pagsasanay ni Sotto sa US na nagresulta na sa pag-angat niya sa NBA Draft Class ranking at marami pang nag-iinteres sa kanya mula sa US NCAA schools.

Kasalukuyang 4-star recruit si Sotto at no. 11 sa listahan ng pinakamagagaling na big men para sa projected 2021 NBA Draft Class.

Bumisita na rin siya sa ilang sikat na schools tulad ng Kentucky, Georgia Tech, DePaula at Auburn.

Nakatakda sanang tumigil muna si Sotto sa kanyang US training upang samahan ang Mighty Sports sa 31st Dubai International Basketball Tournament subalit biglang umatras bunsod ng “logistical and scheduling issues.”

Show comments