Clarkson gusto muling maglaro para sa Gilas

Jordan Clarkson

MANILA, Philippines — Umaasa si Utah Jazz guard Jordan Clarkson na muling makapaglaro sa Gilas Pilipinas sa mga su­sunod na malalaking in­ternational tournaments na lalahukan ng koponan.

Mismong si Clarkson na ang nagdeklara na nais nitong bumalik sa Pilipinas para katawanin ang bansa sa international level.

“I played in the Asian Games. I missed the World Cup. Sometime in the future I’m co­ming back there,” wika ni Clark­son sa panayam ng Philbo­xing.com.

Hindi ito ang unang pagkakataon na maglala­ro si Clarkson bitbit ang bandila ng Pilipinas.

Una na itong nasila­yan sa aksiyon noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Matapos makakuha ng clearance sa NBA at sa kanyang dating mother team na Cleveland Cavaliers, agad itong tumulak sa Indonesia para maging bahagi ng pambansang de­legasyon sa quadrennial meet.

Sa katunayan, nagsilbi pa itong flag bearer ng Pi­lipinas sa opening ce­remony ng Asian Games.

Umabot sa quarterfinals ang Gilas Pilipinas matapos magtala ng 1-1 rekord sa Group D ngunit bigo ang tropa na umabante sa semis nang yumuko ito sa South Korea sa quarters sa iskor na 82-91.

Gayunpaman, nakuha ng Pilipinas ang fifth place nang pataubin nito ang Japan (113-80) at Syria (109-55) sa classification round.

Hindi nakapag­laro si Clarkson sa 2019 FIBA World Cup sa China dahil itinuturing itong natura­lized player ayon sa FIBA rules.

Nakasama naman ng Gilas Pilipinas si Andray Blatche bilang natura­li­zed player ng koponan.

Nagpasalamat si Clarkson sa patuloy na pagsuporta sa kanya ng Pinoy fans partikular na sa paglalaro niya sa NBA.

“Thank you for the support. I’m grateful for all that,” ani Clarkson.

Show comments