LA Lakers nakabawi

Anthony Davis
AFP

DENVER – Kumolekta si LeBron James ng 25 points at 9 assists at nagsalpak ng isang krusyal na dunk para tulungan ang Los Angeles Lakers na kunin ang 105-96 panalo laban sa Nuggets.

Umiskor din si Anthony Davis ng 25 points at humablot ng10 rebounds para sa pagbangon ng La-kers mula sa naunang kabiguan.

Tumipa naman si Jamal Murray ng 22 points, habang may 21 markers si Paul Millsap sa panig ng Nuggets, nakahugot kay center Nikola Jokic ng 13 points at 8 assists.

Sa San Antonio, humataw si Lonnie Walker IV ng career-high 28 points at nalampasan ng Spurs ang kinamadang 50 points ni James Harden para talunin ang Houston Rockets, 135-133 sa double overtime.

Naglista si DeMar DeRozan ng 23 points, 9 assists at 5 rebounds para sa ikalawang sunod na home win ng Spurs at at tinapos ang two-game winning streak ng Rockets.

Sa New Orleans, humugot si Luka Doncic ng 15 sa kanyang 33 points sa third quarter at kumalawit ng 18 rebounds sa loob ng 28 minuto para pamunuan ang Dallas Mavericks sa 118-97 pagdaig sa Pelicans.

Nagsalpak din si Doncic ng limang 3-pointers para sa pang-walong panalo ng Mavericks sa huli nilang siyam na laban.

Nagdagdag si Seth Curry ng 19 points at may tig-12 markers sina Tim Hardaway Jr. at Maxi Kleber para sa Dallas.

Binanderahan ni Brandon Ingram ang New Orleans, nalasap ang ikaanim na sunod na kamalasan, sa kanyang 24 points kasunod ang 18 markers ni Jrue Holiday.

Show comments