Pelicans diniskaril ang Blazers debut ni Anthony

NEW ORLEANS – Tinanggap na ni Carmelo Anthony na posible nang magtapos ang kanyang NBA career.

Ngunit kamakailan ay pumirma siya ng isang non-guaranteed contract hanggang Enero para mag­laro sa Portland Trail Blazers.

“I came to a point where I was willing to accept it either way,” sabi ni Anthony sa paglalaro niya sa kanyang ika-17 season. “I had to get myself mentally prepared for that and I did, to be honest with you.”

Ngunit diniskaril naman ng Pelicans ang kanyang Blazers debut matapos kunin ang 115-104 panalo.

Tumapos si Anthony na may 10 points sa kanyang unang laro para sa Portland na ikaanim niyang NBA team.

Hindi pa naglalaro si Anthony matapos ang 10-game stint sa Houston Rockets noong nakaraang taon.

Umaasa ang Blazers na matutulungan sila ng 35-anyos na 10-time NBA All-Star forward na makarating sa conference finals.

Pinamunuan naman ni Jrue Holiday ang New Orleans mula sa kanyang 22 points at 10 assists, habang may 21 markers si Brandon Ingram.

Sa Los Angeles, kinilala si LeBron James bilang unang player sa NBA history na nagposte ng triple-double laban sa lahat ng koponan sa liga.

Kumolekta si James ng 25 points, 11 rebounds at 10 assists para pamunuan ang Lakers sa 112-107 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.

Kumamada si Anthony Davis ng 34 points para sa pang-limang sunod na pananalasa ng Los Angeles na naipanalo ang 12 sa kanilang 14 laro.

Sa Memphis, nagpasabog si Alec Burks ng season-high na 29 points, habang may 20 markers si Glenn Robinson III para igiya ang Golden State Warriors sa 114-95 panalo laban sa Grizzlies.

Tinapos ng Warriors ang kanilang seven-game losing slump.

Sa Sacramento, nagsalpak si Bogdan Bogdanovic ng mga career-highs na 31 points at pitong 3-pointers para sa 120-116 paggupo ng Kings kontra sa Phoenix Suns.

Nagdagdag naman si Richaun Holmes ng 20 points at 15 rebounds para sa Sacramento.

Show comments