Finals asam ng SMB laban sa Liaoning
MANILA, Philippines — Mag-aagawan sa puwesto sa Finals ang PBA champion na San Miguel at CBA titlist Liaoning sa knockout semis duel ng 2019 East Asia League Terrific 12 sa Tap Seac Multisport Pavilion sa Macau.
Back-to-back champion ng PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup ang Beermen na hangad maipagpatuloy ang kanilang winning tradition sa international stage sa pakikipagbuno sa CBA kings na Flying Leopards ngayong alas-7 ng gabi.
Ang sinumang mananalo sa pagitan ng SMB at Liaoning ay aabante sa championship round ng Asian invitational tournament kontra sa mananaig sa laro ng Seoul SK Knights at Zheijiang Guangsha Lions sa alas-5 ng hapon.
Nanguna ang Seoul sa Group A, habang bumida naman sa Group C ang Zheijiang upang makapagtakda ng Final Four faceoff.
Ang SMB naman ang nanaig sa Group B at winalis din ng Liaoning ang Group D.
Muling sasandal si SMB head coach Leo Austria kay super import Dez Wells na pumukol nga 42 points sa kanilang 102-91 panalo kontra sa reigning Terrific 12 champion na Ryukyu Golden Kings kamakalawa ng gabi.
Aalalay kay Wells sina Lester Prosper, Christian Standhardinger, Terrence Romeo, Chris Ross at Arwind Santos, habang wala pang kasiguruhan kung makakalaro sina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot na may mga iniindang injuries at karamdaman.
Bagama’t wala pa ring talo sa dalawang salang ay hindi magiging madali ang misyon ng Beermen.
- Latest