MANILA, Philippines — Pinatibay ng San Beda Red Lions ang hangad na ‘four-peat’ matapos patumbahin ang Lyceum Pirates, 88-73, sa Season 95 NCAA men’s baketball tournament kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Hindi naging madali ang panalo ng Red Lions dahil lumamang ang Pirates sa 49-48 mula sa triple ni Jayson David sa 6:59 minuto ng third quarter.
Ngunit biglang natahimik ang Lyceum sa fourth period na sinamantala nina Calvin Oftana at Evan Nelle para palakihin ang bentahe ng San Beda sa 21 puntos sa huling minuto ng laban.
Humakot si Oftana ng 20 points at 12 rebounds at nagdagdag si Nelle ng 14 pmarkers, 4 rebounds at 7 assists para sa 20-game winning streak ng Mendiola-based team sapul noong 2018.
Dahil sa kanilang panalo ay nanatili ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa solo top spot sa malinis na 7-0 record.
Bumagsak naman ang Pirates sa ikatlong puwesto sa bitbit na 6-2 marka.
Sa unang laro, kahit suspendido ang kanilang head coach at anim na players ang nawala dahil sa foul ay nanatiling matatag ang San Sebastian Stags para pataubin ang Letran Knights sa overtime, 102-101, para makamit ang ikatlong panalo.
Samantala, binigyan naman ng Perpetual Help Altas ng magandang debut ang bagong head coach na si Mike Saguiguit sa 88-87 paglusot sa Emilio Aguinaldo Generals, 88-87.