Lalabanan ang no. 1 Petron Blaze Spikers
MANILA, Philippines — Nakalusot sa semifinal round ng Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference ang Cignal HD matapos talunin ang Generika-Ayala, 25-15, 17-25, 25-18, 25-22 sa knockout quarterfinals game kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Minanduhan ni kapitana Rachel Ann Daquis ang HD Spikers sa pagpalo ng 14 points mula sa 13 attacks at nagdagdag ng 13 markers si Alohi Robins-Hardy.
Nagparamdam din sa laro si dating national team member Jovelyn Gonzaga na naglista ng 10 points at 14 digs, habang may 12 markers si Mylene Paat.
“Ang sabi ko lang sa kanila marami kaming ginagawang paghahanda. Nasa kanila na ang desisyon,” sabi ni Cignal coach Edgar Barroga.
“Nag-work naman. Factor din definitely ‘yung two losses sa first round. Iyon ang challenge ko sa kanila. At na-challenge naman sila,” dagdag pa nito.
Muling dinomina ng Cignal ang blocking department mula sa kanilang 16 blocks sa pamumuno ni Robins-Hardy na may pitong blocks at may apat si Gonzaga.
Makakaharap ng HD Spikers sa semifinals ng All-Filipino tourney ang No. 1 seed at defending champions na Petron Blaze Spikers, may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage.
Naging gitgitan ang unang set ng laro nang kontrolin agad ito ng Cignal bago bumawi at umararo ang Generika-Ayala pagdating second set at kinuha ang 11-6 kalamangan.
Mas lalong uminit ang HD Spikers papasok ng huling dalawang sets kasabay na pagkonekta ng depensa sa net laban sa Lifesavers.