San Sebastian Stags sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines — Ipinakita ng San Sebastian Stags ang kanilang lakas para tambakan ang Mapua Cardinals, 92-68, at makisosyo sa liderato sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA men’s basketball tournamant kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Muli na namang nagpasiklab si Regille Kent Ilagan sa kanyang 20 points, 4 rebounds at 8 assists para sa ikalawang sunod panalo ng Stags at samahan ang three-peat champions San Beda Red Lions sa top spot sa parehong 2-0 baraha.
Nauna nang humataw ang business management student na si Ilagan ng 25 markers sa 82-51 panalo nila sa Jose Rizal Heavy Bombers noong Hulyo 9 para bumawi sa suspensyon niya sa nakaraang taon dahil sa “ligang labas.”
Anim na manlalaro ni SSC-R head coach Egay Macaraya ang nag-ambag ng double-digits.
Ang mga ito ay si Allyn Bulunadi na may 16 points kasunod ang 14, 13 at tig-10 markers nina Alex Desoyo, Neil Villapando, Michael Calma at Alvin Capobres, ayon sa pagkakasunod.
“They’re making a statement and every team in the NCAA is watching. But for us, we‘re very happy na ganoon ang nangyayari because the boys are playing well. They’re focused on our game plan and enjoying the game. They played good defense, sana tuluy-tuloy na ito sa amin,” sabi ni Macaraya.
Sa iba pang laro, nasungkit ng Letran Knights ang ikalawang sunod panalo matapos padapain ang Heavy Bombers, 55-43, upang umangat sa solo fifth spot sa 2-1 kartada tampok ang 14 points, 4 rebounds at 4 assists ni Bonbon Batiller.
- Latest