PetroGazz hangad ang back-to-back championship

Hindi magkamayaw sa kanilang kasiyahan ang mga Gazz Angels nang magreyna sa PVL Reinforced Conference.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Matapos pagreynahan ang katatapos na Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference at nakatutok naman ang PetroGazz sa darating na Open Conference na hahataw sa Agosto 10.

“Just take whatever you learn from this past season and put it into next season to make it ea­sier,” payo ni Finals MVP Janisa Johnson sa mga Gazz Angels na tinalo ang Creamline Cool Sma­shers, 2-1, sa kanilang best-of-three title series.

Binigo ng PetroGazz ang Creamline, 25-15, 28-30, 25-23, 25-19, sa Game Three noong Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Nakamit ng Gazz Angels ang kanilang kauna-unahang korona sa PVL.

“I wanted to do everything I could just to get the team to where we had goals and get us to the championship,” ani Johnson.

Samantala, halos dalawang taon din nawala sa volleyball scene si Jovelyn Gonzaga at sa pagbabalik-aksyon niya sa PVL Reinforced Conference ay muling naramdaman ang bangis ng tinaguriang ‘Bionic Ilongga’.

Nagkaroon ng anterior cruciate ligament (ACL) injury si Gonzaga sa kanyang kaliwang tuhod no­ong 2017 at mula rito ay nagpahinga na ang dating na­tional team member.

At sa pagbabalik niya ay isa si Gonzaga sa tu­mu­long sa PacificTown-Army Lady Troopers na masungkit ang bronze medal sa katatapos na liga.

Sa post-game interview noong Linggo, hindi na­pigilan ni Gonzaga na maging emosyonal matapos ang matagumpay na pagbabalik niya.

“Kasi hindi ba kababalik ko lang sa laro and gusto kong mag-give back sa Army. Sa sobrang love and support ng Philippine Army sa akin and pag-intindi and at the same time matagal na namin naglalaro as a team,” ani Gonzaga.

“So, hangga’t maari ang ganda ng performance lagi ng Army Lady Troopers and this time hindi ako papayag na hindi kami manalo sa third spot,” dagdag pa nito.

Show comments