Texters dinurog ang Elite

MANILA, Philippines — Nang magposte ng double-digit lead ang Tropang Texters ay hindi na nakadikit ang Elite.

Humakot si big guard RR Pogoy ng 28 points, 6 rebounds at 4 assists para banderahan ang TNT Katropa sa 127-89 pagmasaker sa Blackwater sa 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Kasabay ng pagpasok sa eight-team quarterfinal round ay ang pagpapalakas ng Tropang Texters sa kanilang tsansa sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive.

“Sa performance ko, happy naman ako pero ang goal talaga namin ay hindi lang individual eh. Mas maganda kung manalo kami ng championship,” sabi ng 6-foot-2 na si Pogoy.

Ito ang ikatlong sunod na ratsada ng TNT Ka-tropa para sa kanilang 5-3 baraha katabla ang nagdedepensang San Miguel sa ikatlong puwesto at inilaglag ang Blackwater sa 2-6.

Kinuha ng Tropang Texters ang 11-point lead, 56-45, sa halftime at pinalobo ito sa 83-68 laban sa Elite sa huling dalawang minuto ng third quarter.

Sa solong 10-0 atake ni Pogoy na tinampukan ng dalawang three-point shots ay ibinaon ng TNT Katropa, nakahugot kay Jericho Cruz ng 20 points, ang Blackwater sa 104-72 sa 8:45 minuto ng final canto.

Samantala, pipilitin naman ng Phoenix na tulu-yang mapasakamay ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals sa pagharap sa Barangay Ginebra ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magkikita naman ang nagdedepensang San Miguel Beermen at NorthPort Batang Pier.  

Show comments