Ang 2019 Ronda Pilipinas champion na si Francisco Perez Mancebo, habang nasa inset ang Stage 5 winner na si El Joshua Cariño.
Ernie Peñaredondo
Walang umabot kay Mancebo
Andrew Dimasalang (Pang-masa) - February 13, 2019 - 12:00am

Ronda Pilipinas

PANDAN, Antique, Philippines — Mayroong dahilan kung ba­kit nakasali at nagtapos sa top five ng prestihiyosong Tour De France ang Espanyol na si Francisco Perez Mancebo.

At iyon ang kanyang pinatunayan matapos dominahin ang 2019 LBC -- Ronda Pilipinas sa pagtatapos ng limang stage na karera nito kahapon dito sa Antique.

Tinapos ng 42-anyos na beterano ang kabuuang 774.6-kilometrong five-stage race sa 19 oras, 26 mi­nuto at 30 segundo upang pangunahan ang General Classificiation (GC) category kontra sa 89 pang ibang riders mula sa 15 na foreign at local cycling teams.

Nagawa ito ni Mancebo kahit pa hindi nanalo sa huling apat na stages kabilang na ang huling 146.9-km Stage Five mula Roxas City, Capiz hanggang Pandan, Antique.

Ito ay bunsod ng milya-milyang agwat ng 2005 Tour de France top five finisher na si Mancebo sa Iloilo-Iloilo Stage One kung saan lumamang siya ng tatlong minuto at 52 segundo na naging sapat na kalamangan niya sa natitirang bahagi ng karera.

“It’s hard to control the race and keep the lead. It’s not easy,” ani Mancebo, tubong Madrid, Spain. “We’re very happy with this win.”

Malayo sa segunda ang dating kampeon na si Ro-nald Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance na may oras na 19:29:50 habang nasa tersera si Dominic Perez ng 7/11 Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines na may 19:29:53.

Samantala, bago matapos ang karera ay sumikwat muna ng Stage win si El Joshua Cariño ng Philippine Navy nang angkinin ang 146.9-km Roxas City-Pandan, Antique Stage Five sa oras na 3:24:27.

Sumegunda at tumersera sa kanya sina Tour de Langkawi king Artem Ovenchkin (3:24:37) at Mohd Harrif Saleh (3:24:37) ng Terrengganu TSG cycling team mula sa Malaysia.

Bagamat bigong madepensahan ang korona bilang overall champion, nasungkit naman ni Oranza ang Best Filipino Rider award; itinanghal naman na King of the Mountain si George Oconer ng 7/11 at Ismael Grospe ng Go For Gold ang Best Under-23 Rider.

RONDA PILIPINAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with