76ers dinurog ang pacers

Tumira si Joel Embiid ngPhiladelphia laban kay Myles Turner ng Indiana.

INDIANAPOLIS — Humakot si center Joel Embiid ng 22 points, 13 rebounds at 8 assists para banderahan ang Philadelphia 76ers sa 120-96 pagdurog sa Indiana Pacers at ilista ang pang-pitong panalo sa huli nilang siyam na laban.

Nagdagdag si Jimmy Butler ng 27 points, 8 assists at 5 boards para sa Philadelphia na nagposte ng kabuuang 38 assists, ang pinakamarami para sa kalaban ng Indiana ngayong season.

Sa matchup ng top teams sa Eastern Conference, pinaganda ng 76ers ang kanilang 2-1 record kontra sa Pacers sa kanilang four-game season series.

Tumipa si guard J.J. Redick ng 20-points at 5 assists habang tumapos si Ben Simmons  na may 11 points, 8 assists at 8 rebounds para sa Philadelphia.

Ang starting backcourt ng Indiana na sina Darren Collison at All-Star Victor Oladipo ay nalimitahan sa pinagsamang 21 points mula sa 9-of-30 fieldgoal shooting.

Matapos kunin ng 76ers ang 28-25 abante sa first quarter ay pinalaki nila ito sa 66-55 sa third period tampok ang dalawang three-point shots ni Redick at basket ni Embiid.

Sa Toronto, isinalpak ni Pascal Siakam ang winning basket bago tumunog ang final buzzer para ilusot ang Raptors kontra sa Phoenix Suns, 111-109.

Ibinigay ni Serge Ibaka sa Toronto ang 109-107 abante mula sa kanyang hook shot sa huling 47 segundo kasunod ang dalawang free throws ni Mikal Bridges para itabla ang Phoenix sa 109-109 sa natitirang 13 segundo.

Ibinigay ng Raptors ang bola kay Siakam para sa kanyang game-winning driving shot.

Nagsumite si Siakam ng 10 points at 12 rebounds, habang nagtala sina Ibaka at Kyle Lowry ng 22 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa pang-walong sunod na home win ng Toronto.

Humataw naman si guard Devin Booker ng 30 points sa panig ng Suns samantalang kumolekta si Deandre Ayton ng 15 points.

Show comments