History para kay Fajardo

MANILA, Philippines — Lalong pinatatag ni June Mar Fajardo ng San Miguel Beer ang puwesto nito bilang pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan.
Ito ay matapos niyang sungkitin ang kanyang ikalimang sunod na Most Valuable Player award sa ginanap na Leo Prieto Awards at 44th Philippine Basketball Association (PBA) season opener kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Bunsod nito, ang Beermen center na ngayon ang may pinakamaraming MVP plums sa 43-taong kasaysayan ng PBA, mas marami kaysa kina all time greats na sina Alvin Patrimonio at Ramon Fernandez na may tig-apat na MVPs.
Nakuha ng 29-anyos na si Fajardo ang naturang parangal kahit na halos hindi ito nakalaro sa season-ending conference na Governors’ Cup bunsod ng kanyang injury sa kanang binti.
Ito ay dahil sa naging malaking puhunan niya sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup kung saan siya itinanghal na Best Player of the Conference.
Nagkamal ang 6’10 na si Fajardo ng kabuuang 2,436 puntos upang daigin ang mga kapwa MVP candidates na sina Stanley Pringle ng Northport, Paul Lee ng Magnolia at Japeth Aguilar ng Ginebra.
Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala si Fajardo 5-time MVP na siya.
“Sino ba namang mag-aakala na yung dating pinagtatawanan ay 5-time MVP na?,” ani Fajardo na nagsimula lang maglaro ng basketball noong kolehiyo para sa University of Cebu sa CESAFI. “Di mo talaga alam ang buhay, basta magsikap ka lang.”
Samantala, sinamahan naman si Fajardo nina Pringle, Aguilar, Lee at Marcio Lassiter sa First Mythical Team bilang pinakamagagaling na manlalaro ng nagdaaang 2018 season.
Nasama naman sa Second Mythical Team sina Mark Barroca ng Magnolia, Matthew Wright ng Phoenix, Scottie Thompson ng Magnolia gayundin sina John Paul Erram ng NLEX at Arwind Santos ng San Miguel.
Tumabo naman ng 2,863 puntos si Phoenix forward Jason Perkins upang ibulsa ang Rookie of the Year award kontra kay Jeron Teng ng Alaska na may 1,639 puntos lamang.
Nasungkit naman ni Gabe Norwood ng Rain or Shine ang kanyang ikatlong Samboy Lim Sportsmanship Award habang si Thompson ng Ginebra ang itinanghal na Most Improved Player of the Year.
Kasama sa All Defensive Team sina Norwood, Fajar-do gayundin ang mga pambato ng Magnolia na sina Rafi Reavis, Barroca at Rome Dela Rosa.
- Latest
















