Petron kampeon sa PSL All-FIlipino

MANILA, Philippines — Mainit ang harurot ng Petron nang iselyo nito ang 25-22, 26-24, 25-23 panalo laban sa F2 Logistics sa Game 3 upang matamis na angkinin ang kampeonato sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nagsanib-puwersa sina Bernadeth Pons, Ces Molina, Mika Reyes at Remy Palma sa opensa habang maganda ang koneksiyon nina playmaker Rhea Dimacula-ngan at libero Ria Duremdes para dalhin ang Blaze Spikers sa panalo.

Tinapos ng Petron ang best-of-three championship series tangan ang 2-1 rekord.

Nahablot ng Blaze Spikers ang Game 1 sa bisa ng mabilis na 25-23, 25-11, 25-17 desisyon noong Sabado bago naitabla ng Cargo Movers ang serye bunsod ng 21-25, 25-19, 25-20, 25-17 panalo sa Game 2 noong Martes.

Ito ang ikalawang sunod na All-Filipino title ng Blaze Spikers at ikalima sa kabuuan sa liga.

Nauna rito, napaamo naman ng University of the Philippines ang University of Santo Tomas, 25-21, 16-25, 25-23, 25-19, upang maibulsa ang kauna-unahang Philippine Superliga Collegiate Grand Slam crown.

Show comments