PVL semifinals cast buo na

MANILA, Philippines — Kumpleto na ang semis cast.

Nasungkit ng Petro Gazz ang huling silya sa Final Four matapos itarak ang 25-21, 25-9, 25-15 panalo laban sa Adamson University  kamakalawa ng gabi sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Masama ang simula ng Gazz Angels matapos tambakan ng Lady Falcons sa unang bahagi ng first set.

Subalit magandang hugot si opposite hitter Alyssa Layug na siyang kumana ng mga importanteng puntos para maagaw ng Petro Gazz ang momento at makuha ang panalo.

Nakakuha naman ito ng suporta mula kina Pa-neng Mercado, Jessey De Leon, Cherry Nunag at setter Djanel Cheng.

Sapat na ang nalikom na 7-5 baraha ng Gazz Angels para samahan sa semis ang BanKo Perlas Spikers (10-3), Ateneo de Manila University (10-4) at Creamline Cool Smashers (9-3).

Kaya’t hindi na makaaapekto sa Gazz Angels anuman ang maging resulta ng laro nito kontra sa Cool Smashers bukas sa Batangas City Coliseum. Habol na lamang ng Creamline ang magandang puwesto sa semifinals.

Ang panalo rin ng Gazz Angels sa Lady Falcons ang nagsara ng pintuan sa Pocari-Air Force at Tacloban Fighting Warays na parehong nasibak tangan ang magkatulad na 6-7 baraha.

Show comments