4 Pinay umusad sa 2nd round ng AIBA World C’ships
MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng national boxing team ang umusad sa second round sa pagsisimula ng 2018 AIBA Women’s World Boxing Championships sa KD Jadhav Indoor Stadium sa New Delhi, India.
Pinakamagarbong simula ang itinarak ni Aira Villegas nang pabagsakin nito si Shamima Akter ng Bangladesh sa second round ng bantamweight (54 kgs) division.
May 2:09 minuto pang nalalabi sa laban nang pakawalan ni Villegas ang umaatikabong suntok para masiguro ang panalo sa torneong nilahukan ng 66 bansa.
Umusad din sa susunod na yugto sina dating world champion Josie Gabuco (light flyweight 45-48 kgs.) at Irish Magno (flyweight 51 kgs) na nagtala ng magkaibang desisyon sa kani-kanyang kategorya.
Umiskor si Gabuco ng unanimous decision win (29-28, 30-27, 29-28, 30-27, 30-27) kontra kay Ekaterina Paltseva habang naitakas ni Magno ang 3-2 split decision win kay Yana Burym ng Belarus (30-27, 30-27, 30-27, 27-30, 27-30).
Sunod na makakasagupa ni Villegas si Peamwilai Laopeam ng Thailand na nagsumite rin ng impresibong second round referee-stopped-contest laban kay Omella Havyarimana ng Burundi.
Haharapin naman ni Gabuco si Wu Yu ng China na namayani kay Chuthamat Raksat ng Thailand samantalang lalarga si Magno kontra kay Chang Yuan ng China na nakasiguro ng opening round bye.
Masuwerteng nakahirit ng first round bye si dating World Championships silver medalist Nesthy Petecio kung saan lalarga ito kontra kay Yeni Marcela Arias Castaneda ng Colombia para sa se-cond round.
Nabangasan ang pambansang delegasyon nang lumasap ng 0-5 unanimous decision loss (26-30, 27-30, 27-30, 27-30, 25-30) si Carolyn Calungsod kay Caroline Veyre ng Canada sa first round ng lightweight (60 kgs) class.
- Latest