Foton sumosyo sa liderato
MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng Foton Tornadoes ang Smart Giga Hitters, 26-24, 25-15, 25-19, para sumosyo sa liderato ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Naikonekta ng Tornadoes ang ikaapat na sunod na panalo para saluhan sa unahan ang Petron Blaze Spikers.
Muling naasahan ng Foton si outside hitter Mina Aganon na nagtala ng 13 points mula sa siyam na attacks at apat na aces, habang nag-ambag si team captain Maika Ortiz ng 10 attacks at isang block.
“Sobrang saya. Hindi namin ini-expect (‘yung 4-0). We just played our game. Positive lang kami sa team namin ngayon. Hindi namin inaaalala ‘yung errors namin,” ani Ortiz.
Nabangasan pa ang Tornadoes nang magtamo ng injury si starting opposite hitter Mae Layug sa kalagitnaan ng first set.
Ngunit hindi naman ito naging balakid matapos mag-step up ang iba pang miyembro ng tropa.
Sa unang laro, ginulantang naman ng Generika-Ayala ang F2 Logistics, 19-25, 25-22, 25-16, 28-26, para sumampa sa win column matapos ang tatlong sunod na kabiguan.
Nagsalansan si Patty Orendain ng 18 points, 24 digs at 10 receptions.
- Latest