Cheap shot

Dahil sa walang katorya-toryang paandar, baka mapunta sa wala ngayon ang lahat ng pinagpaguran ni Mike Digregorio sa buong conference. Kasama na ang maaaring pagkasayang ng pinagtrabahuhan ng buong Blackwater team.

Ang ganda ng tinatakbo ng kanilang laro sa kanilang virtual playoff match kontra sa Phoenix Petroleum noong nakaraang gabi bago nila saktan ang kanilang sarili dahil sa flagrant foul na nakuha nina Poy Erram at Digregorio.

Ang flagrant infraction ni Erram ay galing sa pagpigil sa easy basket sana ni Phoenix import Eugene Phelps na medyo nag-trigger na komosyon.

Napaghiwalay na ang dalawang koponan at kalmado na ang lahat nang bigla na lang ihagis ni Digregorio ang bola kay Phelps.

Malambot na hagis lamang ito at hindi makakasakit, ani Digregorio. Kaya nga lamang rules are rules. Automatic flagrant foul penalty 2 ito sa guidelines ng PBA, kaya’t ejected si Digregorio sa kanyang cheap shot.

Malaking kawalan si Digregorio dahil siya ang ace local player ng Blackwater na nag-a-average ng 11.7 points, 2.8 rebounds and 2.0 assists. Top threat siya sa labas sa kanyang 38-percent shooting average. At dahil nadapa, 91-97 sa pagtatapos ng laro, laglag ang Blackwater sa No. 5, at kailangan ngayon manalo ng dalawang sunod para makausad sa semifinal round.

“We wasted four months of work, four months of preparation. We wasted a great conference to go out there and lay a dud in the end,” ani import Henry Walker.

Naghihintay sa kanila sa quarterfinals ang Magnolia Hotshots na kinatay sila, 133-99 sa kanilang laban sa elimination round.

Nasa bracket din nila ang quarterfinals matchup sa pagitan ng titleholder Barangay Ginebra at NLEX samantalang nasa kabilang bracket ang Phoenix Petroleum-Meralco at Alaska Milk-San Miguel Beer.

Sa history ng twice-to-beat rule sa PBA, 89 percent ng may tangang twice-to-beat advantage ang nakaka-advance sa susunod na round.

Ginebra, Magnolia, Phoenix at Alaska ang apat na koponan na may tangan ng bentahe na ito.

Show comments