Kailangan na ni Bobby Ray Parks na sumampa sa PBA o maaaring hindi na siya makalaro kailanman sa local pro league.
Nauukol sa kaso ni Parks ang isa sa mga panukalang malamang na ipasa ng PBA board of governors sa kanilang meeting sa Martes.
Maaaring hindi si Parks mismo ang tinitingnan ng PBA sa pagbalangkas ng panukala.
Ang layunin talaga ay mapalakas ang hangarin ng annual PBA draft na makatulong mabalanse ang lakas ng mga koponan.
Kung maipasa ang panukala, eligible ang player sa pagsali sa draft pagtuntong sa edad na 22 o kahit na anong edad basta nakumpleto na niya ang kanyang five-year collegiate eligibility.
Bibigyan lamang ng dalawang taon na panahon ang manlalaro na mag-apply sa PBA Rookie Draft.
Kung hindi siya mag-apply sa period na ito ay hindi na siya papayagang sumali sa mga susunod na panahon.
Sa panukalang ito, maiiwasan ang pamimili ng mga star amateur players ng pagpili ng sasalihang PBA teams.
“Ilan na ang mga pangyayari na ayaw nung star player na sumali sa PBA draft kasi ayaw niyang mapapunta doon sa team na may hawak nung first-round pick,” ani ng isang league insider.
Ang set-up talaga ay mapunta ang brightest prospects sa worst performing teams sa nakalipas na PBA season. Ang siste, ilang beses na nga naman na ang magagaling na players ay napupunta sa malalakas na koponan.
Paano naman kung sumali nga sa drafting ang isang player pero hindi siya lumaro sa team na nag-pick sa kanya?
Ang panukala ay ang pagbibigay ng anim o pitong taon na “rights of first refusal” sa koponan. Ibig sabihin, anim o pitong taon ang ipaghihintay ng manlalaro bago siya magkatsansa na mapunta sa ibang koponan.
May proposal din na ipagbawal na ang trading ng No. 1 draft selection pero hindi ito pumasa sa board.
Marami pang ibang panukala na ang layunin pa rin ay makatulong sa pagbalanse ng liga. Pero may duda ako kung matutumbok ang problema dahil mayroon talagang gusto laging makalamang.