Hindi ite-trade ng E-Painters si Almazan

MANILA, Philippines — Walang planong i-trade ng Rain or Shine ang pambato nitong big man na si Raymond Almazan sa gitna ng kanilang hindi pagkakaunawaan.

Ito ang inihayag ng agent ni Almazan na si Danny Espiritu kamakalawa matapos ang pakikipagpulong sa kampo ng Elasto Painters hinggil sa kanyang kliyente na matagal na hindi nagparamdam sa koponan.

“Sinigurado nila na hindi nila ite-trade. All-out support sila na maayos ito,” ani Espiritu matapos makipag-usap kay Rain or Shine team governor Atty. Ma-merto Mondragon.

Magugunitang matapos ang higit isang linggong ‘AWOL’ ay lumutang na ulit si Almazan noong nakaraang Sabado ng gabi at agad kinausap ang kanyang agent upang ipaliwanag ang sarili at tulungan siyang maayos ang gusot sa koponan.

Huling nagparamdam ang 6’8 center na si Almazan dalawang araw bago ang laban nila kontra sa Alaska noong Disyembre 3 at nagpaalam dahil sa family emergency.

Hindi na muling nagpakita sa training camp at laro ng Elasto Painters si Almazan buhat noon na nagdulot sa dalawang krusyal na kabiguan ng koponan kontra sa Alaska at sa Blackwater upang mahulog sa 0-4 kartada sa idinaraos na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.

Maging sa pinakabagong laban ng Rain or Shine kontra sa Ginebra sa Lucena City kung saan nakuha nila ang unang panalo, 107-94 ay no-show pa rin ang dating National Collegiate Athletic Association (NCAA) MVP.

Nananatiling buo ang suporta ng Rain or Shine kay Almazan na ayon kay Espiritu ay handang bigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag tungkol sa kanyang pagkawala. Handa rin ang koponan na bigyan siya ng panahon upang maayos ang kanyang personal na problema.

“Binibigyan nila ng time and space si Raymond to recover,” dagdag ni Espiritu.

Matatandaan na sa gitna ng pag-a-AWOL ni Almazan noong nakaraang linggo ay lumutang ang ulat na may anim na koponang interesado sa Rain or Shine center ngunit hindi muna nag-alok ng anumang trade package dahil sa posibleng tampering issues.

Ito ay dahil may live contract pa si Almazan sa Rain or Shine hanggang sa Agosto ng susunod na taon.

Show comments