Letran nakaligtas sa Perpetual

MANILA, Philippines — Nag-ambag ng 39 puntos sina Bong Quinto at JP Calvo upang malampasan ng Letran Knights ang hamon ng Perpetual Help Altas, 82-80 kahapon para makaganti sa kanilang kabiguan sa unang paghaharap sa 94th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Kahit kapwa pasok na sa Final Four, ayaw ng Knights na tumapos sa pang-apat na puwesto at lumaban ng husto para umabot sa 12 lead changes at 10 deadlocks ang laro bago tuluyang nasungkit ng Letran ang panalo at manatili sa solo third spot sa 13-4 win-loss kartada.

Humataw ang pro-bound na si Quinto ng 22 puntos, siyam na rebounds, limang assists at dalawang steals habang si Calvo ay tumulong ng 17 puntos pitong assists, limang rebounds at dalawang steals para makaganti sa kanilang 75-78 pagkatalo sa Altas sa first round ng elims noong Hulyo 13.

“Sabi ko nga, ‘yung mga tumalo sa amin sa first round, babawian namin,” ayon kay Quinto ukol sa Perpetual gayundin ang Lyceum na tu-malo rin sa kanila.

Nagwagi rin ang Knights laban sa Pirates, 80-79 noong Biyernes.

Bukod kina Quinto at Calvo, tumulong din ng 11 puntos si Larry Mu-yang at tig-walong puntos bawat isa sina Jeo Ambohot at Bonbon Batiller upang ibigay ang ika-anim na talo ng Altas sa 17 laro.

“Yung leaders namin, nag-perform na naman sila ngayon. ‘Yung leadership nila, nadadala talaga nila. Coming into the playoffs, gusto lang naming maging perfect ‘yung mga gagawin namin,” sabi ni Letran coach Jeff Napa.

Sa non-bearing game, tinambakan ng San Sebastian Stags ang Mapua Cardinals, 86-64 para tumabla sa kanilang biktima sa parehong 5-12 record.

Umiskor si RK Ila-gan ng career-high na 26 puntos kabilang na ang anim na triples habang si Michael Calisaan ay umani rin ng 16 puntos at limang rebounds para sa Stags.

Show comments