Elorde, Taha Northport pa rin

MANILA, Philippines — Mananatili sina Nico Elorde at Paolo Taha sa Northport Batang Pier matapos ngang bigyan ng koponan ng tig-dalawang taon na contract extension.

Ito ay upang mapanatili rin ang support core ng Batang Pier sa star guard nitong si Stanley Pringle sa kasalukuyang kampanya nila sa idinaraos na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.

Kilalang apo ng alamat na boksingerong si Gabriel ‘Flash’ Elorde, nakuha ng 2015 PBA Draft 33rd pick na si Nico ang tiwala ng Batang Pier nang punan ang puwestong naiwan ni Terrence Romeo bilang pinakaba-gong katambal ni Pringle sa Northport backcourt.

Si Taha naman ay nabibiyaan din ng contract extension matapos nga ang kanyang pagbabalik sa Northport mula sa trade sa Ginebra noong nakaraang conference.

Magugunitang sa Northport (Globalport) din nagsimula ang kanyang career nang mapili bilang 29th overall pick noong 2014 PBA Draft.

Samantala, ang palabang big man ng NLEX na si Mike Miranda ay nabasbasan din ng dalawang taong contract extension.

Napili bilang 21st overall pick noong 2015, pinatunayan ni Miranda ang kanyang galing sa ilalim ni Yeng Guiao nang tulungan ang NLEX na makapasok sa kanilang unang semifinals appearance noong 2018 Philippine Cup.

Show comments