JAKARTA — Hindi binigo ni Olympian lady weightlifter Hidilyn Diaz ang mga Pinoy.
Binuhat ni Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas matapos magreyna sa women’s 53kg division sa 18th Asian Games kahapon dito sa Jakarta International Expo.
Tinalo ni Diaz, ang silver medalist noong 2016 Rio Olympics, si Turkmenistan bet Kristina Shermetova para angkinin ang una niyang gintong medalya sa Asian Games.
Bumuhat si Diaz ng 207kg. para ungusan si Shermetova (206kg).
Ang gold medal ng tubong Zamboanga City ang dumuplika sa isang gintong napanalunan ng bansa mula kay BMX rider Daniel Caluag noong 2014 sa Incheon, Korea.
Inihatid naman ni taekwondo jin Pauline Louise Lopez ang ikaapat na bronze medal ng Pilipinas sa Asiad.
Matapos ang ginawa niyang matinding preparasyon para sa kanyang ikatlong Asiad stint, hindi mapigilan ang 22-anyos na si Lopez na umiyak matapos malasap ang 4-11 kabiguan kontra sa mas matangkad na si Zongshi Lou ng China sa semifinals ng women’s +67kg Kyorugi event na ginaganap sa Jakarta Convention Center.
“It’s really painful knowing that if I did this and that, it would have been different but I can’t dwell on that now and move forward,” sabi ng many-time SEA Games gold medalist. “I had a really strong mental training for this Asian Games so I was really eying for podium finish no matter what medal but my best wasn’t good enough. But I’m still happy with what I came up with. It’s still an honor (bronze medal) bit it still hurts.”
Matapos malamangan sa 8-3 ng Asian Championships silver medalist na si Lou ay nagsikap maghabol si Lopez at lumapit sa 5-8 nang inereklamo ang tatlo niyang hits na hindi iniskoran.
Binuksan ng Olympian ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng 8-0 panalo kontra kay Feng Xiao ng Macau sa round of 16 na sinundan niya ng 20-0 pagdurog sa kalabang Nepalese na si Chunara Gyani sa quarterfinals.
Sibak agad sa round-of-16 ang kapwa Olympian ni Lopez na si Kirstie Elaine Alora laban kay Deniz Cansel ng Kazakhstan, 7-8, sa women’s 67kg.
Natalo rin sa round-of-16 ng men’s 80kg si Kristopher Robert Uy laban kay Hongyi Sun ng China, 7-9.
Ang bronze ni Lopez ay dagdag sa dalawang bronze ng kanyang mga kasamahang men at women’s team poomsae at isa kay wushu artist Agatha Wong.
Sa cycling competition, matapos mabigong makapagbigay ng magandang laban bilang top favorite sa women’s cross country, nagdesisyong mag-resign si national rider Arinna Dormitoryo.