Painters nakalusot sa Bolts sa OT para sa ‘twice-to-beat’ bonus
MANILA, Philippines — Hindi basta-basta nakuha ng Elasto Painters ang No. 1 berth sa eight-team quarterfinal round ng 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Dumaan muna sa overtime ang Elasto Painters bago mapatumba ang Meralco Bolts, 106-99, at kunin ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humugot si import Reggie Johnson ng lima sa kanyang 21 points sa extra period para sa ikaanim na sunod na arangkada ng Rain or Shine.
Nalasap naman ng Meralco ang ikalawang dikit na kamalasan.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang hahawak ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals laban sa No. 8 at No. 7, ayon sa pagkakasunod at magtutuos naman sa best-of-three series ang No. 3 laban sa No. 6 at ang No. 4 kontra sa No. 5.
Huling nakadikit ang Bolts sa 99-102 sa 1:13 minuto ng extra period kasunod ang split ni Chris Tiu at three-pointer ni Ed Daquioag para ilayo ang Elasto Painters sa 106-99 sa huling 12.7 segundo.
Nagdagdag si Johnson ng 18 rebounds at 3 blocks, habang nagtala si point guard Maverick Ahanmisi ng 20 markers, 8 boards at 6 assists para sa Rain or Shine, naglista ng 18-point lead, 73-55, sa 8:32 minuto ng third period bago nakatabla ang Meralco sa 96-96 sa 2:25 minuto ng fourth quarter patungo sa overtime.
Pansamantalang titigil ang aksyon sa PBA para bigyang-daan ang paglalaro ng Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers laban sa Chinese-Taipei sa Hunyo 29 sa Taiwan at kontra sa Australia sa Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
- Latest