Rivero haharap sa dati niyang team

MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay makakatagpo ni Ricci Rivero ang kanyang koponan sa pagsagupa ng Gilas Pilipinas sa De La Salle University ngayon sa pagpapatuloy ng 12th FilOil Flying V Pre-season Premier Cup sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Nakatakda ang inaabangang harapan sa alas-6:30 ng hapon kung saan tatangka ang Gilas na masungkit ang unang tagumpay sa naturang torneo.

Bago iyon, magpapangbuno muna ang kampeon ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na Ateneo at hari ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) na San Beda University sa alas-4:30 ng hapon.

Sabik na makabawi ang Gilas sa mapait na 69-75 kabiguan kontra sa Blue Eagles noong nakaraang linggo.

Ngunit tila hindi pa rin magiging madaling misyon iyon para sa koponan lalo’t inspiradong Green Archers ang nakaharang sa kanilang daan.

Bagong-bihis man bunsod ng pagkawala nina coach Aldin Ayo, two-time Most Valuable Player Ben Mbala at Most Improved Player na si Rivero, nanatiling matalas pa rin ang La Salle.

Ito ay matapos ang 82-79 na pagsilat nila sa pinalakas na University of the Phi-lippines upang sirain ang winning debut sana ng collegiate sensation na si Bright Akhuetie para sa Fighting Maroons.

Ang dating coach na si Ayo ay lumipat na sa University of Santo Tomas, si Mbala naman ay nagdesisyon mag-professional basketball na sa ibang bansa habang si Rivero naman ay nilisan ang koponan nitong buwan lamang.

Tangkang bumawi ngayon  ng Gilas sa paggiya ni Rivero matapos ang game-high na 17 puntos noong nakaraang laro habang aalalay sa kanya sina Kobe Paras at Juan Gomez De Liano sa itinalang 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Inaaasahang makakatulong na rin ang iba pang hirap na manlalaro sa nakaraang laro na sina CJ Perez, Abu Tratter, Arvin Tolentino, Paul Desiderio at Jayjay Alejandro.

Show comments