Petron lumapit sa Finals seat

Umere si Cocolife import Marta Drpa para sa kanyang spike laban kina Mika Reyes at Lindsay Stalzer ng Petron.

MANILA, Philippines — Binigyan ng Petron Blaze ng magandang pagtanggap ang bagong im­port na si Katherine Bell sa pamamagitan ng 25-18, 23-25, 25-16, 25-23 panalo sa Cocolife sa Game One ng kanilang best-of-three semifinals series sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Umiskor ang 6-foot-1 spiker na si Bell ng 28 points, kabilang na ang 26 atake at 2 blocks para sa Blaze Spikers na hangad tapusin ang pag-asa ng Asset Managers sa Game Two bukas.

Mula sa hataw ng da­ting University of Te­xas standout ay nakuha ng Petron ang 7-6 bentahe mula sa 1-4 agwat sa fourth set.

Sa tulong naman ni Lindsay Stalzer ay nakuha ng Blaze Spikers ang 20-15 abante patu­ngo sa panalo na umabot lamang ng mahigit isang oras at 51 minuto.

Matapos makuha ang first set, 25-23, biglang nanlamig ang depensa ng Petron kaya nagkaro­on ng pagkakataon sina Serbian imports Sara Klisura at Marta Drpa na agawin ang second set para sa Coco­life.

Ngunit iyon na rin ang kanilang huling hirit ng Asset Managers dahil bumalik ang sigla nina Mika Reyes, Aiza Maizon-Pontillas, Rhea Dimaculangan at Chloe Cortez para sa Blaze Spikers.

Show comments