Lady Eagles solo sa 2nd

MANILA, Philippines — Pinalawig ng Ateneo de Manila ang kanilang winning streak sa second round matapos muling gapiin ang University of the East,  25-14, 18-25, 25-15, 25-18, kahapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament women’s division sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Bunga ng panalo, ang ikatlo nilang sunod nga-yong second round, sinolo ng Lady Eagles ang ikalawang puwesto sa hawak na barahang 7-3, panalo-talo.

Umiskor ng 22-puntos si Kat Tolentino na binubuo ng 16 na attack points, 5 blocks at isang ace upang pamunuan ang nabanggit na panalo ng Lady Eagles.

Sinelyuhan naman ng setter na si Deanna Wong ang kanilang tagumpay sa pamamagitan ng block kill nito kay Mary Anne Mendrez.

Dulot ng kabiguan, bumagsak ang Lady Warriors sa markang 2-8, na nagbalik sa kanila sa ilalim ng standings.

Taliwas ng kapalaran ng Lady Eagles ang dating kasalo nilang National University ay bumagsak naman sa tatlong sunod na pagkatalo makaraang gapiin ng Adamson University Lady Falcons 25-19, 25-15,18-25, 25-13.

Tumapos na may 16 puntos si Jema Galanza bukod pa sa 11 excellent receptions habang nagdagdag si Joy Dacoron ng 14 puntos at 35 excellent sets si Fem Emnas upang pangunahan ang nasabing panalo ng Lady Falcons na nag-angat sa kanila sa patas na markang 5-5 para sa solo 4th spot habang bumaba ang Lady Bulldogs sa 6-4 na rekord kapantay ng FEU Lady Tamaraws.

Sa men’s division, nakasalo sa ikalawang puwesto ang season host Far Eastern University pagkatapos igupo ang University of the Philippines, 25-22, 25-20, 25-21.

Ang naturang panalo ang pangwalo ng Tamaraws na nagtabla sa kanila sa  defending champion Ateneo de Manila sa second spot hawak ang barahang 8-2, panalo-talo kasunod ng namumuno at unang semifinalist National University ( 9-1).

Sanhi ng kabiguan, nalaglag naman ang UP na pinangunahan ni Wendell Miguel na umiskor din ng 13-puntos sa 3-7, panalo-talong marka.

 Sa pangalawang laro, nawalis naman ng De La Salle ang University of the East,25-23, 25-17, 25-15 upang makabalik sa winning track at pumatas sa ika-4 na puwesto ng standings. (FML)

Show comments