Tapos na o isa pa?

Game 6: Magnolia vs NLEX

MANILA, Philippines — Nagkaroon si point guard Kevin Alas ng ACL injury sa kanyang kanang tuhod na nangyari sa unang 39 segundo ng first period sa Game Five noong Linggo.

Tumipa si Alas ng mga averages na 9.75 points, 6.25 rebounds at 3.5 assists para sa NLEX sa kanilang best-of-seven semifinals series ng Magnolia sa 2018 PBA Philippine Cup.

Lalabanan ng Road Warriors ang Hotshots na wala si Alas sa krusyal na Game Six ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

“So it’s a do-or-die game again para sa amin, just like in Game 4,” sabi ni coach Yeng Guiao. “But then again we have shown we can bounce back even with our backs against the wall and, who knows? Baka makatsamba ulit.”

Habang hangad ng NLEX na makapuwersa ng Game Seven sa Huwebes ay determinado naman ang Magnolia na tapusin ang kanilang serye ngayong gabi.

Kinuha ng Hotshots ang 87-78 panalo sa Game Five para ilista ang 3-2 bentahe sa Road Warriors sa kanilang semis showdown at makalapit sa ikalawang PBA Finals ticket.

“May konting advantage kasi nanalo kami. But again hindi pa tapos ang series,” wika ni mentor Chito Victolero, hangad dalhin ang Magnolia sa ika-28 PBA Finals stint at puntirya ang pang-14 korona.

Ang mananalo sa naturang serye ang sasagupa sa nagdedepensang San Miguel para sa best-of-seven championship series.

Tinapos ng Beermen ang kanilang semis wars ng Gin Kings sa 4-1 para umabante sa pang-ika-39 Finals appearance para targetin ang pang-25 titulo.

Hangad din ng San Miguel ang kanilang pang-apat na sunod na korona sa PBA Philippine Cup. 

Show comments