SAN ANTONIO — Umiskor si LaMarcus Aldridge ng 25 points, habang nagdagdag si Dejounte Murray ng 18 points at 12 rebounds para akayin ang Spurs sa 98-93 panalo laban sa New Orleans Pelicans.
Pumanaw naman si Pelicans team owner Tom Benson sa edad na 90-anyos.
“For us, the motivation is that we still want to try to do everything we possibly can to try to accomplish the goal that he set out for us. That’s to try to put ourselves in a position to win a championship,” sabi ni New Orleans coach Alvin Gentry.
Kumolekta naman si Anthony Davis ng 21 points at 14 rebounds, ngunit na-foul out matapos ang 36 minutong paglalaro para sa New Orleans na nanatili sa fifth place sa Western Division.
Umakyat naman ang San Antonio sa eighth spot para sa final playoff berth mula sa pagiging No. 10 noong nakaraang linggo.
Binura ng Pelicans ang 15-point deficit para makadikit sa Spurs sa 90-91 bago nakuha ni Davis ang kanyang ikaanim at huling foul.
Nagdagdag si Jrue Holiday ng 24 points para sa New Orleans.
Sa Houston, kumamada si James Harden ng 24 points, habang nagdagdag si Eric Gordon ng 23 markers para pamunuan ang Rockets sa 101-96 panalo kontra sa Los Angeles Clippers.
Nakalapit ang Clippers sa one-point deficit matapos ang arangkada ni Austin Rivers sa huling minuto ng fourth period.
Ang stepped back jumper ni Harden ang naglayong muli sa Rockets sa 100-96.
Nagmintis si Rivers sa kanyang 3-point attempt para sa Los Angeles na sinundan ng dalawang free throws ni Harden sa natitirang 6.2 segundo para selyuhan ang panalo ng Houston.
Ito ang ikatlong sunod na paghataw ng Rockets kasabay ng pagpigil sa three-game winning streak ng Clippers.
Sa Portland, humataw si CJ McCollum ng 29 points para akayin ang Trail Blazers sa 113-105 panalo laban sa Cleveland Cavaliers at ilista ang ika-11 sunod na arangkada.
Nagdagdag si Damian Lillard ng 24 points para sa Blazers.
Tumapos naman si LeBron James na may 35 points sa panig ng Cavaliers.
Sa New York, humakot si Joel Embiid ng 29 points at 10 rebounds at tumapos si Ben Simmons na may triple-double para pamunuan ang Philadelphia 76ers sa 118-110 paggupo sa Knicks.
Bumangon ang Sixers, nasa sixth spot sa Eastern Conference playoff race, buhat sa 13-point deficit sa third quarter sa pamamagitan ng 20-6 atake sa loob ng limang minuto ng fourth quarter.
Nagtala si Simmons ng 13 points, 12 assists at 10 rebounds para sa Philadelphia at tumipa si Dario Saric ng 21 points at 12 boards.