2 batang chess players ng Dasmariñas nagpasikat

Batang Pinoy Luzon Leg

VIGAN CITY, Philippines — Nagtala ng tig-limang puntos sina Kylen Joy Mordido at Daniel Quizon ng Dasmariñas, Cavite para ma­ngaila­ngan na lamang ng dalawang panalo sa gintong medalya sa 15-year and under rapid event ng chess competition ng 2017 Batang Pinoy Luzon Leg sa Baluarte Function Hall dito.

Tinalo ng 15-anyos na si Mordido ang lahat kalaban sa limang round ng seven-round tourney para makalapit sa titulo. Ang high school student ng Dasmariñas National High School na si Mordido ay ang unang babae na nanalo sa overall title ng 25th Shell Active chess championship.

Kung magwawagi siya sa huling dalawang rounds ay mapapangatawanan niya ang kanyang woman candidate master rating na 1802 sa rapid event ng chess competition. Kasama ni Mordido ang kanyang teammate na si Quizon na nanalo rin ng gintong medalya sa 2016 Batang Pinoy National Finals sa Tagum City.

Pumapangalawa naman sina Aleck Ben Louise Saniego at Francois Marie Magpily sa girls 15-year and under sa parehong tig-apat na puntos at kasunod sina Iris May de la Cruz, Engeilyn Agamas, Ma. Elayza Villa at Jezzel Mae Juliano sa parehong 3.5 puntos.

Sa boys class, kasunod ni Quizon si Eric Labog na may 4 puntos at 3.5 naman kay Mark Vincent Limocon at tig-3 puntos sina Clifford John Bernardo, Rollen Xien Sarte at Marcu Raphael Ogleco.

Si Michael Concio Jr. ay nagtala rin ng 5 puntos para pangunahan ang boys 12-year and under kasunod sina Jan Clifford Labog at Jeremiah Luis Cruz sa parehong 4 puntos bawat isa habang si Jerilyn Mae San Diego sa girls 12-year and under sa apat na puntos.

Sa lawn tennis girls team event sa Vigan tennis court, nanalo ang Tabaco City laban sa Naga City, 2-1 habang ang Sta. Rosa, Laguna ay nagwagi sa Laoag City, 2-0 at shutout na panalo naman ang itinala ng Pangasinan kontra sa Bontoc Mountain Pro­vince, 2-0.

Umabanse rin sa susunod na round ang San Pablo City matapos manalo by default laban sa Muntinlupa City at ang Lucena City ay nanalo rin sa Alicia, Isabela, 2-0.

Hindi naman nagpahuli ang Puerto Princesa City sa boys team event sa Sta. Catalina court pagkaraang ilampaso ang Laoag City, 2-0 habang ang Isabela ay nanalo sa Naga City sa parehong 2-0 score at ang Pinamalayan, Mindoro ay nagwagi sa Santiago City, 2-0. Tinalo rin  ng Angeles City ang Ilocos Sur, 2-0 at Dasmariñas City ang Pasig City, 2-0.

Sa girls basketball sa Caoayan covered court, nagwagi ang Pasig City laban sa San Ildefonso, 84-73.

Uumpisahan na rin ngayon ang medal-rich athletics sa Elpidio Quirino Sports Complex track oval at ang pencak silat sa NSCC, Vigan City plaza at karatedo sa Vigan convention center.

Ang swimming ay magsisimula bukas sa Elpidio Quirino Sports Complex aquatic center kasabay sa taekwondo sa Vigan convention center at arnis sa Pantay Daya covered court at beach volleyball sa Elpidio Quirino Complex.

Show comments