VIGAN CITY, Philippines —Hinikayat ni Philippine Sports commissioner Charles Maxey ang mga magulang ng mahigit 5,875 kabataang atleta na suportahan ang kanilang mga anak para magtagumpay sa kanilang hangarin na maging ganap na atleta sa pagbubukas kahapon sa 2017 Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg sa President Elpidio Quirino Stadium dito.
Sa unang araw ng inaasahang mainit na kumpetisyon, dalawang gintong medalya agad ang pag-agawan sa rapid event ng chess competition sa Baluarte function hall sa Barangay Tamag ng Lungsod.
“Dito sa programa ng Batang Pinoy Games ng Philippine Sports Commission, hinahanap namin ang mga pinakamagagaling atleta at coaches para maging mga susunod na mga idolo at pambansang inspirasyon ng kabataang Pilipino sa larangan ng sports,” sabi ni PSC commissioner Maxey na siyang kumatawan kay chairman William “Butch” Ramirez na hindi nakadalo dahil kasama sa importanteng meeting sa Malacañang.
Dumalo ang mga government officials mula Ilocos Region na nagbigay ng inspirational messages sa opening rites sa pangunguna ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Gov. Francisco Emmanuel Ortega III ng La Union, Gov. Amado Espino III ng Pangasinan at ang pangunahing pandangal na si Tonisito Umali ng Department of Education.
“Kayo ang susunod na mga gold medallists sa Asian Games at Olympics. Ito ang tunay na grassroots program, dahil habang kayo ay nasa inyong kalakasan at kabataan sa high school, ang inyong mga magulang, coaches at sports leaders ay naniniwala sa inyong kakayahan kaya ang gobyerno ay gagabay sa inyong paglalakbay,” dagdag ni Maxey.
Pinaabot din ni Maxey sa mga batang atleta ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtagumpay sa larangan ng sports.
Sisimulan na ngayon ang inasaahang mainit na laban sa mga laro ng archery sa San Ildefonso Central School, badminton sa Bantay badminton court, baseball sa Carillo Lao compound, girls basketball sa Caoayan covered court, basketball boys sa Sta. Catalina covered court, boxing sa Vigan City plaza at karatedo sa Vigan convention center.