Tumubong buto suwerte kay Tenorio

LA Tenorio

MANILA, Philippines — Bago pa magsimula ang 2017 PBA Governor’s Cup ay tinitiis ni LA Tenorio ng nagdedepensang Barangay Ginebra ang sakit sa kanyang tumubong buto sa kanang siko.

Sa kabila nito ay nagtala pa rin si Tenorio ng 44 percent fieldgoal field sa torneo na tinatampukan ng 40-of-95 clip sa three-point range.

“Kaya nga ayaw kong ipaopera kasi nakaka-shoot ako,” wika ng 33-anyos na 11-year PBA veteran point guard. “Kaya sinasabi sa akin bakit mo ipapaopera eh, ang taas ng percentage mo. Kaya ngayon pinagbabayaran ko. Ang sakit eh, everytime na tinatamaan.”

Ang krusyal na triple ni Tenorio, ang No. 4 overall pick ng San Miguel noong 2006 PBA Draft, ang nagbigay sa Ginebra ng 82-76 bentahe kontra sa Meralco sa hu-ling 1:07 minuto ng fourth quarter sa Game Two ng kanilang championship series noong Linggo.

At mula dito ay dumiretso ang Gin Kings sa pag-angkin sa 86-76 panalo laban sa Bolts at iposte ang 2-0 bentahe sa kanilang titular showdown.

Pagkatapos ng kumperensiyang ito ay agad sasailalim sa operasyon ang tubong Nasugbu, Batangas para sa kanyang shooting elbow injury.

Noong Agosto ay inisip na niyang ipaopera ang kanyang right elbow injury, ngunit hindi niya ito itinuloy.

“He’s playing with a bum elbow too, he’s gonna have a surgery on his (shooting) elbow at the end of the conference,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa 5-foot-8 na si Tenorio. “But he’s playing through it and still shooting the ball well.”

Show comments