PCSO Special Maiden trial race bukas

Gaganapin bukas ang trial race ng mga kasali sa gaganaping Philippine Charity Sweepstakes Office para sa three year old open.

Ito ay ilalarga sa distansiyang 1,300 meters at mauuna itong gawin bago sumapit ang mga regular na karera para sa Biyernes na programa.

Ang mga tatakbo pati na ang kanilang mga hinete ay ang mga sumusunod: Manda na papatungan ni Jonathan B. Hernandez; Electric na sasakyan ni John Alvin Guce; Sheba na rerendahan ni Danilo L. Camañero; Great Wall na gagabayan ni Onil P. Cortez; Absolute Winner na lalatiguhin ni Val Dilema; Weng Fei Lu na si Kalvin B. Abobo ang siyang magdadala at Janders na naitoka naman kay Mark A. Alvarez.

May kabuuang isang milyong piso ang papremyo rito na ang magwawagi ay tatanggap ng P600,000. Sa runner up naman ay P225,000 at sa tersero puwesto ay P125,000. Mayroon ding breeder’s purse na P50,000 para sa magwawagi.

Samantala, nailabas na rin ang mga nominado para sa darating na 2017 Philippine Racing Commission 4YO & Above stakes race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan Batangas sa Marso 12, 2017.

Sa distansiyang 1,400 meters ay nominado ang mga kabayong Bite My Dust, Blue Berry, Furniture King, Lakan at Skyway.

Kalahating milyong piso (P500,000) ang ipapapremyo na ang P300,000 ay mapupunta sa kampeon. Ang runner-up ay may P112,5000; sa ikatlo ay P62,500 at sa ikaapat ay P25,000. Ang breeder’s purse ay itinakda sa P15,000.

Hinahanap na rin ng nominasyon para sa mga local fillies & colts stakes race sa mga kabayong may edad tatlong taon sa pakarera sa Marso 19, 2017 sa karerahan ng San Lazaro Leisure Park. (JM)

Show comments