Lady Maroons babawian ang Lady Tamaraws

MANILA, Philippines - Hangad na makabawi ng University of the Philippines sa kanilang unang kabiguan sa kamay ng Ateneo sa kanilang laro kontra sa Far Eastern University sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament na gaganapin sa San Juan Arena ngayong hapon.

Mag-uumpisa ang kanilang laro sa ganap na alas-2 na susundan ng salpukan ng University of Sto. Tomas at National University sa dakong alas-4.

Aangat sa 5-1 ang Lady Maroons sakaling magtagumpay laban sa Far Eastern, matapos makatanggap ng 25-14, 25-19, 25-21 na pagkatalo kontra sa Ateneo noong nakaraang Linggo.

Aakyat naman sa 4-2 record ang isa sa mga paboritong koponan ngayong taon na Lady Tamaraws na galing sa 25-20, 25-13, 22-25, 25-20 panalo laban sa National U na isa mga larong pagkukunan ng kumpiyansa ng kanilang koponan patungong second round ng eliminations.

“Sinasabi namin sa mga players namin na itong last three games kunin na natin. Huwag tayong umasa sa second round, dito tayo kumuha (ng kumpiyansa),” pahayag ni FEU head coach Shaq Delos Santos.

Sina Toni Rose Basas, Bernadeth Pons, Remy Palma at setter Gel Cayuna ang tatayo para sa Lady Tamaraws na nais pang ituloy ang kanilang two-game winning streak sa kanilang pagharap kina Diana Carlos, Isa Molde, Kathy Bersola, Nicole Tiamzon at setter Ael Estrañero ng Lady Maroons.

Gusto namang pigilan ng Lady Bulldogs (3-2) ang kanilang two-game losing skid habang may tsansa naman ang Santo Tomas (2-3) na pantayan ang kanilang rekord.

Sa panig ng men’s division, makakatapat ng second place na NU (4-1) ang UST (3-2) sa dakong alas-10 ng umaga, kasunod ng banggaan ng FEU (3-2) at UP (3-2) sa ganap na alas-8. FML

Show comments