Salak assistant coach na sa Cocolife

MANILA, Philippines - Ang dating top player na si Tina Salak ang tata-yong assistant coach ng bagong koponang Cocolife sa paghataw ng 2017 Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa Sabado sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Ang 40-anyos na playmaker ang magiging kanang kamay ni head coach Obet Javier para sa Asset Managers sa season-opening conference matapos akayin sa korona ang Philippine Army at katawanin ang bansa sa mga international tournaments.

Ipaparada ng Cocolife ang mga dating collegiate stars ng magkaribal na Ateneo at La Salle bukod pa sa mga players ng bagong NCAA champion na Arellano University.

Babandera para sa koponan sina Michele Gumabao, Denise Lazaro, Wensh Tiu, Erika Alkuino, Rosemarie Vargas, Therese Gaston, Eunice Galang, Anne Esguerra, Rhea Ramirez, Jovie Prado, Regine Arocha at Andrea Marzan.

Magbabalik naman sa aksyon si dating UAAP Most Valuable Player Iris Ortega-Patrona kasabay si Kay Martinez-Daly, sasalo sa naiwang posisyon ni Mika Esperanza na tututukan ang kanyang pag-aaral sa medical school.

Sinabi ni Gumabao, ang dating ‘heart and soul’ ng championship run ng La Salle, na tinutulungan sila ni Salak na makuha ang kanilang ‘chemistry’ sa loob at labas ng court.

“Coach Tina’s presence is a necessity in bonding the whole team. Coach Tina is both strict and understanding,” ani Gumabao kay Salak na nagsilbing trainer ng PSL Manila sa FIVB Women’s Club World Championship noong nakaraang taon.

Itinuturo din ni Salak ang discipline at work ethic na kanyang nakuha sa paglalaro para sa Army at national team na iginiya niya sa silver medal finish noong 1995 Southeast Asian Games sa Jakarta at bronze medal performance sa 2005 SEA Games sa Manila.

“The past week, she really taught us a lot as a team and I know in such a short amount of time, we can still be competitive. Coach Tina doesn’t look at anyone in our team any differently. We all go through the same rules and training that makes us one as a team.”

 

Show comments