‘Alam na this’ ni Morales

SUBIC, Olongapo City , Philippines -  Madalas magsanay ang koponan ng Navy-Standard Insurance dito.

Kaya naman alam na ng nagdedepensang si Navyman Jan Paul Morales kung kailan aatake at kung saan makakalayo sa kalaban.

“Madalas kaming mag-ensayo sa rutang ito, kaya alam ko na kung saan ako makakakuha ng advantage,” sabi ng 31-anyos na si Morales matapos angkinin ang 137-km Angeles-Subic Stage Three sa tiyempong tatlong oras, 25 minuto at 46 segundo sa 2017 LBC Ronda Pilipinas kahapon dito.

Ito ang ikalawang sunod na stage victory ng 31-anyos na tubong Calumpang, Marikina matapos pamahalaan ang Stage Two noong Linggo sa Vigan, Ilocos Sur.

“Sa unang KOM (King of the Mountain) sa Bagac (Bataan) ako nakalayo,” sabi ni Morales, hangad maging unang back-to-back champion ng LBC Ronda Pilipinas. “Noong wala namang dumidikit, itinuloy ko na hanggang sa finish line.”

Inungusan ni Morales sina Jemico Brioso (3:28:32) ng Team Ilocos Sur, Leonel Dimaano (3:28:32) ng RC Cola-NCR, Cris Joven (3:28:32) ng Kinetix Lab-Army, Jonel Carcueva (3:29:01) ng Go for Gold, Alvin Benosa (3:29:01) ng Kinetix Lab-Army, Roel Quitoy (3:29:07) ng Team Mindanao, Ronnel Hualda (3:29:07) ng Go for Gold, Julius Mark Bonzo (3:29:07) ng Bike Xtreme at Elmer Navarro (3:29:07) ng Go for Gold.

Papadyak ngayong umaga ang 111-km Subic-Subic Stage Four sa 14-stage race na may premyong P1 milyon para sa magkakampeon mula sa presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Samantala, napanatili naman ni Navyman Rudy Roque ang pagsuot sa Red Jersey nang pa-ngunahan ang overall individual classification sa kanyang 8:32:10.

“Kanina kasi umaasa lang sila (Navy) sa akin. Kami-kami din naman ang naghahabulan eh,” sabi ng 25-anyos na pambato ng Tibo, Bataan.

Iniwanan ni Roque ang mga Navy teammates niyang sina Stage One winner Ronald Lomotos (8:32:30) at Morales (8:33:44), Ismael Grospe (8:34:38) at Carcueva (8:36:01) ng Go for Gold, Jay Lampawog (8:36:03) ng Navy, Ryan Serapio (8:36:04) ng Team Ilocos Sur, Quitoy (8:36:08) ng Mindanao, Benosa (8:36:09) at Reynaldo Navarro (836:15) ng Kinetix Lab-Army.

Patuloy naman ang pamumuno ng Navy sa team classification sa kanilang oras na 34:10:39 sa itaas ng Go for Gold (34:23:11) at Kinetix Lab-Army (34:26:36)).

Nakatakda ang Lucena-Pili Stage Five sa Linggo na may distan-syang 251 kms na dadaan sa “Tatlong Eme” sa Atimonan, Quezon.

Show comments