Blatche muling pipirma sa Philippine Team

Andray Blatche

MANILA, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon ay muling maglalaro si naturalized player Andray Blatche para sa Gilas Pilipinas.

Nakatakdang plantsahin ng Gilas Pilipinas at ni Maria Espaldon ng East-West Private Holdings, ang kinatawan ni Blatche, ang detalye ng playing contract ng naturalized player para sa final Olympic qualifier na nakatakda sa July 4-10.

“After we decided that we will compete in the qualifier, we immediately informed him. He’s given his assurance he’ll be available and he’s okay,” sabi ni Gilas team manager Butch Antonio.

Muling tutulungan ng 6-foot-11 na si Blatche ang Team Philippines para sa pagsabak sa Olympic World Qualifier sa Hulyo.

Kabuuang 18 bansa ang mag-aagawan para sa huling tatlong tiket sa 2016 Rio Olympics at sila ay hahatiin sa tatlong grupo.

Ang drawing of lots ay nakatakda ngayong buwan.

Kumampanya ang NBA forward para sa Gilas Pilipinas noong 2014 FIBA World Cup at 2015 FIBA Asia Championship.

Nauna nang lumagda si Blatche ng $7.5 million, three-year deal sa Xinjiang team sa Chinese league.

Libre siyang makakalaro para sa Olympic qualifier dahil tapos na ang 2015-16 Chinese Basketball Association season sa panahon na iyon.

Noong March 2015 ay pumirma si Blatche ng pinakamalaking kontrata sa Chinese league.

Ito ay mula sa kanyang dominanteng rookie season sa Flying Tigers kung saan siya humakot ng mga averages na 31.1 points, 14.6 rebounds, 5.1 assists at 2.8 steals at noong 2014 World Cup ay naglista siya ng mga averages na 21.2 points at 13.8 rebounds para sa Nationals.

Ngunit noong nakaraang taon ay naging overweight siya at nahirapang makipagsabayan sa Changsha Asian meet.

Show comments