CLEVELAND -- Tinatawagan si Dr. Shumpert.
Ipinakita ni Cavaliers guard Iman Shumpert na hindi lamang basketball skills mayroon siya kundi ang kalmadong pagpapaanak sa kanyang asawa.
Sa tulong ni Shumpert ay iniluwal ng kanyang asawang si R&B singer Teyana Taylor ang kanilang malusog na baby girl.
Nangyari ang pagpapaanak ni Shumpert kay Taylor sa loob ng kanilang banyo.
Ipinoste ni Taylor sa kanyang Instagram account na hindi niya alam na manganganak na siya.
Ayon kay Taylor, tinalian ni Shumpert ng headphones ang umbilical cord ng sanggol habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.
Ang mensahe ni Taylor sa kanyang baby girl na si Iman Tayla Shumpert Jr. ay: “Mommy carried you. Daddy delivered you. (hash)MeetTheParents we love you baby girl.”
Hindi naglaro si Shumpert, nasa kanyang ikalawang season sa Cleveland, sa laban ng Cavaliers kontra sa Oklahoma City Thunder bunga ng strained right groin.
Nakuha niya ang injury sa kanilang banggaan ng Boston Celtics.
Nagtungo siya sa Quicken Loans Arena bago ang laro ng Cavaliers at Thunder at tumanggap ng congratulatory handshakes sa hallway sa labas ng locker room ng Cleveland.