Rousey matetengga ng anim na buwan

MANILA, Philippines – Anim na buwan ang ipapahinga ni Ronda Rou­sey matapos ang kanyang second-round loss kay Holly Holm para sa bantamweight crown sa Aus­tra­lia noong Linggo.

Nag-isyu ang Ultimate Fighting Championship ng medical suspensions sa iba pang fighters matapos ang naturang UFC 193.

Ang medical suspension para sa 180 araw na ini­labas noong Martes ay maaaring maalis kung magkakaroon ng negative head CT scan si Rousey.

Ngunit hindi makakalaban ang 28-anyos na dating Ame­rican Olympic judo bronze medalist sa loob ng 60 araw.

Bagama’t nagkaroon sila ng iringan sa social media ay pinayuhan pa rin ni Floyd Mayweather, Jr. si Rousey.

“I want Ronda Rousey to hold her head up high and don’t let this discourage you. If you need help as far as with boxing, I’m here to help you. It’s all about timing and inches. Her ground game is un­believable. She’ll be okay,” sabi ng undefeated five-division world champion.

Magpapahinga din ng 180 araw si strawweight titleholder Joanna Jedrzejczyk, tinalo si Valerie Le­tourneau via decision, matapos magkaroon ng pinsala sa kanyang kamay.

Show comments