Bolts nakauna sa Road Warriors

MANILA, Philippines - Sa balanseng atake ng Meralco, mahihirapan na silang talunin ng kahit sinong koponan.

Umiskor si Mark Ma­capagal ng 22 points, tam­­pok ang 5-of-10 shooting sa three-point line, para pangunahan ang lima pang players sa double figures sa pag-akay sa Bolts sa 97-82 paggiba sa NLEX Road Warriors sa quarterfinal round ng 2015 PBA Commissio­ner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Nagdagdag si import Josh Davis ng 16 points kasunod ang 14 ni Sean Anthony, 13 ni Gary David at tig-10 nina Mike Cortez at Reynel Hugna­tan para sa 1-0 abante ng Meralco sa kanilang best-of-three quarterfinals series ng NLEX.

“Tonight we did a good job sharing the basketball. It makes life easy that we made our outside shots,” sabi ni coach Norman Black sa kanyang Bolts, nauna nang tinalo ng Road Warriors, 89-76, sa eliminasyon.

Itinayo ng Meralco ang 20-point lead, 66-46, mula sa ikaapat na tres ni Macapagal sa 2:45 ng third period bago nakadikit ang NLEX sa 61-69 buhat sa 15-3 atake sa pagsasara ng nasabing yugto.

Muling nakalayo ang Bolts sa pamamagitan ng 23-point advantage, 93-70, sa huling 3:14 ng final canto para tuluyan nang selyuhan ang kanilang pagresbak sa Road War­riors, nalasap ang ka­nilang ikalawang sunod na kabiguan makaraang magtala ng five-game winning streak.

“Our offense has really let us down. Hopefully we can build on this,” sabi ni Black.

Ang mananalo sa pa­gitan ng Meralco at NLEX ang lalaban sa mananalo sa pagitan ng No. 1 Rain or Shine at No. 8 Ginebra para sa semifinals series.

Kasalukuyan pang nag­­lalaban ang No. 3 Purefoods at ang No. 6 Alaska habang isinusulat ito kung saan ang magnanaig ang sasagupa sa mananalo sa No. 2 Talk ‘N Text at No. 7 Barako Bull sa semis,

Samantala, haharapin ng Rain or Shine ang Ginebra ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang upakan ng Talk ‘N Text at Barako Bull sa alas-3 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Parehong may ‘twice-to-beat’ advantage, isang panalo lamang ang kailangan ng Elasto Painters at Tropang Texters para pumasok sa semifinals.

Meralco 97 - Macapagal 22, Davis 16, Anthony 14, David 13, Cortez 10, Hugnatan 10, Hodge 7, Reyes 2, Ildefonso 2, Wilson 1, Caram 0, Dillinger 0, Ferriols 0.

NLEX 82 - Thornton 23, Cardona 17, Villanueva J. 13, Canaleta 8, Villanueva E. 6, Taulava 5, Ramos 4, Raymundo 2, Lingganay 2, Baloria 2, Borboran 0, Apinan 0, Arboleda H. 0.

Quarterscores: 34-19; 47-36; 69-61; 97-82.

Show comments