RoS sasandal uli kay Chism

MANILA, Philippines - Sa muling pagkuha ng Rain or Shine kay Wayne Chism ay nabigyan ang 6-foot-9 import ng ikalawang pagkakataon para maigiya ang koponan sa PBA Finals.

Sa kanyang pagbabalik ay nagtala si Chism ng 24 points, 22 rebounds at 4 assists sa 99-89 panalo ng Elasto Painters laban sa Alaska Aces noong nakaraang Biyernes sa 2015 PBA Commissoner’s Cup.

“Hopefully, the confidence given to me by coach will carry over to this conference and I can help the team get back to where the team was playing with me before, and that’s the Finals,” sabi ni Chism.

Muling babanderahan ni Chism ang Rain or Shine sa kanilang pakikipagtuos sa Barako Bull ngayong  alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Meralco at NLEX sa alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa hanay ng mga higanteng import, aminado si Chism na hindi magi-ging madali ang makapasok sa PBA Finals.

“It’s gonna be a hard course to conquer, but I’m up for the challenge and it’s gonna be a long fight,” sabi ni Chism.

Hangad naman ng Barako Bull ang kanilang pangalawang dikit na panalo matapos umiskor ng 93-91 overtime victory laban sa Alaska noong nakaraang Martes.

Sa ikalawang laro, tatangkain ng Meralco na makabawi mula sa kanilang unang kabiguan sa pagsagupa sa NLEX.

Nadungisan ang da-ting malinis na 5-0 baraha ng Bolts nang yumukod sa San Miguel Beermen, 86-102, kung saan lumaga-pak sa sahig si import Josh Davis matapos kumagat sa fake ni June Mar Fajardo noong Sabado.

Target naman ng Road Warriors ang kanilang ikalawang dikit na panalo makaraan ang 100-93 win kontra sa Beermen. (RC)

Show comments