MANILA, Philippines – Matapos ang apat na sunod na arangkada ay natikman ng nagdedepensang Purefoods ang kanilang kauna-unahang kabiguan sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Ito ay matapos bumalikwas ang Rain or Shine Elasto Painters mula sa 14-point deficit sa second period para sa kanilang inspiradong 78-71 panalo kontra sa Hotshots kagabi sa Dipolog Sports Center sa Dipolog City.
Nagsalpak si combo guard Paul Lee ng 18 points kasunod ang tig-12 nina import Rick Jackson at Jeff Chan at 10 ni Beau Belga, kumonekta ng isang three-point shot sa huling dalawang minuto ng fourth quarter, para sa Rain or Shine.
Kinuha ng Purefoods ang 38-24 kalamangan sa 3:58 minuto ng second period mula sa split ni Alex Mallari.
Tumikada naman ang Rain or Shine ng 22 points sa kabuuan ng third quarter para agawin ang 60-53.
Ang basket ni Jackson ang naglayo sa Elasto Painters sa 75-64 sa huling 3:28 minuto ng final canto.
Umiskor si import Daniel Orton ng 23 points para banderahan ang Hotshots kasunod ang 11 ni Mark Barroca, habang nalimitahan si two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa 2 markers.
Samantala, hangad ng Meralco ang kanilang pang-limang sunod na panalo sa pakikipagtuos sa Globalport ngayong alas-3 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Laban sa Bolts, ipaparada ng Batang Pier ang bagong import na si Calvin Warner na siyang pumalit kay CJ Leslie.
Magtatagpo naman ang Barangay Ginebra, nasa isang two-game winning run matapos ang 0-2 panimula, at ang Talk ‘N Text sa alas-5:15 ng hapon.
Nanggaling ang Gin Kings sa 95-82 panalo laban sa San Miguel Beermen at sa 100-92 paggiba sa Kia.
“Sana magtuluy-tuloy. Hindi ko maintindihan ang mentality eh. Parang de-susi,” ani head coach Ato Agustin sa kanyang Ginebra.
Inaasahan namang pormal na ihahayag ni Chito Salud ang kanyang pagbibitiw bilang PBA Commissioner matapos ang Meralco-Globalport game.
Ilan sa mga sinasabing maaaring humalili kay Salud matapos ang 40th PBA season ay sina dating GMA 7 top official Bobby Barreiro, dating PBA player at UAAP Commissioner Chito Loyzaga, dating PBA coach at UAAP Commissioner Chito Narvasa at Ariel Magno, dating alternate governor sa PBA Board ng Sta. Lucia.
RAIN OR SHINE 78 – Lee 18, Chan 12, Jackson 12, Belga 10, Norwood 7, Tiu 6, Araña 6, Uyloan 3, Tang 2, Quiñahan 2, Almazan 0, Cruz 0.
Purefoods 71 – Orton 23, Barroca 11, Maliksi 9, Mallari 7, Devance 6, Melton 6, Pingris 4, Pennisi 3, Yap 1, Taha 1, Reavis 0.
Quarterscores: 18-20; 38-40; 60-53; 78-71.