NEW YORK -- Tumipa si James Harden ng 30 points sa gabi kung saan nag-away sina Dwight Howard at Kevin Garnett para tulungan ang Houston Rockets sa 113-99 panalo laban sa Brooklyn Nets.
Napatalsik sa laro si Garnett sa first quarter matapos ang headbutt niya kay Howard sa mukha bukod pa ang pambabato niya ng bola sa Houston slotman.
Natawagan si Howard ng isang technical foul nang suntukin sa leeg si Garnett.
Nagtapos si Howard na may 8 points at 5 rebounds, ngunit hindi na siya halos kinailangan ng Rockets sa shaded lane dahil sa kabuuang 16 3-pointers ng koponan mula sa 40 attempts.
Nagalit si Garnett nang matawagan ng foul kay Howard sa 7:53 minuto sa first quarter.
Nagtulakan ang dalawang player bago batuhin ng bola ni Garnett si Howard sa likod at nang magkaharap sila ay ibinangga ni Garnett ang kanyang ulo malapit sa bibig ni Howard.
Sa Chicago, ginamit ng Orlando Magic ang kanilang opensa para sa inaasam na panalo at sina Nikola Vucevic at Victor Oladipo ang kanilang naging sandigan.
Nagposte si Vucevic ng 33 points at 11 rebounds at tinapos ng Magic ang kanilang six-game losing slump sa pamamagitan ng 121-114 panalo laban sa Chicago Bulls.
Nagtala ang Orlando (14-27) ng season-high na 59 percent fieldgoal shooting sa kanilang unang panalo sa Chicago matapos ang 83-82 tagumpay noong Dec. 16, 2013.
Kumamada rin si Oladipo ng 33 points para sa pinakamalaking scoring game ng Orlando sa season habang nagdagdag si rookie Elfrid Payton ng 10 points at 7 assists.
Naglista si Vucevic ng 16-for-24 fieldgoal shooting sa kanyang NBA-best na 23rd double-double sa season.