UAAP Football lalarga bukas

MANILA, Philippines - Papakawalan ang mga aksyon sa UAAP Season 77 men’s football tournament bukas sa pamamagitan ng isang doubleheader sa Moro Lorenzo Football Field sa Ateneo.

Lalabanan ng University of the Philippines, ang runners-up sa Far Eastern University sa nakaraang season, ang De La Salle sa alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng Ateneo at University of the East sa alas-6 ng gabi.

Sisimulan naman ng Tamaraws ang kanilang pagdedepensa sa korona sa pagharap sa University of Santo Tomas sa alas-3 ng hapon sa Linggo sa FEU-Diliman pitch.

Unang sasalang ang laro ng Adamson University kontra sa National University sa alauna ng hapon.

Muling babandera para sa FEU sina MVP Paolo Bugas at ace striker Jess Melliza para punan ang pagkawala ni veteran Dexter Chiu.

Bubuksan naman ang mga laro sa women’s football sa Linggo sa Moro Lorenzo Football Field kung saan lalabanan ng Ateneo ang UP sa alauna ng hapon kasunod ang laro ng La Salle-UST sa alas-3.

Uumpisahang idepensa ng Lady Tamaraws ang kanilang titulo laban sa UP Lady Maroons sa Dec. 7.

Show comments