Triple-double ni LeBron binawi

CLEVELAND — Binawi ng NBA ang triple-double ni LeBron James. Matapos rebyuhin ang 118-111 panalo ng Cavaliers laban sa New Orleans Pelicans noong Lunes, binawi ng liga ang isang rebound at assist ni James.

Nauna nang inihayag na naitala ni James ang kanyang pang-38 career triple double.

Tumapos si James na may 32 points, 11 rebounds at 9 assists para tulungan ang Cavs na maitayo ang 3-3 record.

Regular na nirerebyu ng NBA ang mga videotape para mapanatili ang integridad ng istatistiko.

Sa huling 3:27 minuto sa third quarter ay nagkamali ng pagbibigay kay James ng isang assist nang tapikin niya ang bola kay Tristan Thompson na ipinasa naman nito kay Kyrie Irving para sa layup.

Sa fourth quarter, nabigyan si James ng offensive rebound na dapat sana ay para sa kakampi niyang si Mike Miller.

Sinabi ni league spokesman Tim Frank na ginawa ang pagtatama sa statistics ni James sa official box score.

Show comments