Tinapos na ng Cagayan

MANILA, Philippines – Itinaas pa ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang kanilang laro sa fifth at huling set para kunin ang 22-25, 25-23, 25-17, 20-25, 15-9 panalo laban sa Army Lady Troopers para kilalaning kampeon ng Shakey’s V-League Season 11 Third Confe-rence kagabi sa The Arena  sa San Juan City.

Si Aiza Maizo-Pontillas ay gumawa ng 25 hits at nakipagtulungan sa mga Thai imports na sina Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang sa huling set para maisantabi ang 3-0 panimula ng Lady Troopers.

Ang panalo ang kumumpleto sa 2-0 sweep sa best-of-three series ng Cagayan para makaganti sa pagkatalo sa Lady Troopers noong Open Conference.

Huling tabla sa laro ay sa 6-all bago inangkin ng Cagayan ang sumunod na anim na puntos tungo sa 12-6 kalamangan.

Pinutol ni Mary Jean Balse ang sunud-sunod na puntos ng kalaban pero nagtala ang Army ng reception error bago nailusot ni Saengmuang ang atake sa mga blockers at si Hyapha ang tumapos sa laro sa running attack.

“Masarap ang pakiramdam dahil nagkampeon uli kami. Sinabi ko lang sa kanila na ilaro ang laro ng isang kampeon,” wika ng winning coach na si  Nes Pamilar.

Si Hyapha ay mayroong 21 puntos habang si Saengmuang ay may 19.

Ang Conference MVP na si Maizo na may 20 kills sa laro ang siya ring ginawaran ng Finals MVP.

Binigo naman ng Estetico Manila Volley Masters ang plano ng Systema Active Smashers na iuwi ang kampeonato sa kala-lakihan sa 19-25, 25-19, 13-25, 25-21, 15-13 panalo sa unang laro.

Si Jeffrey Jimenez ay mayroong 17 hits at nakipagtulungan siya kina Jason at Eden Canlas sa huling dalawang sets para maitabla ang best-of-three series sa 1-1. (AT)

Show comments