4 karera lang ang itinakbo

MANILA, Philippines - Apat na karera lamang ang naidaos noong Lunes sa Metro Turf Club dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan.

May 11 karera ang nakaprograma pero kinansela na ang huling pitong races para sa kaligtasan ng mga hinete.

Suportado ng pamunuan ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang aksyon ng management ng ikatlong racing club sa bansa.

“Jockeys’ concern on safety,” wika ni Philracom commissioner at executive director Jess Cantos. “Jockeys ang primordial sa desisyon after assessment ng track.”

Ang mga kabayong nanalo ay ang Panagbenga, Black Town, Garnet at Cash Register.

Lumabas na ang Black Town ang siyang long shot sa apat na nanaig.

Napagtiyagaan ni CS Pare na habulin ang naunang lumayo na Madam Theresa ni Jeff Zarate sa class division three race na pinaglabanan sa 1,000-metro.

Halos limang dipa ang inilayo ng Madam Theresa pero naubos ito sa huling 50-metro para matalo pa ng isang dipa sa meta.

Naghatid ang panalo ng Black Town ng P41.50 habang ang 6-1 forecast ay may P140.50 dibidendo.

Magpapatuloy ang pista ngayong gabi sa San Laza-ro Leisure Park na maghahain ng walong karera. (AT)

Show comments